


Tatlong Pangunahing uri ng Kolesterol sa Katawan ng Tao
Laizza Joy T. Pinion
Ang kolesterol ay nakakasama sa ating katawan kapag masyadong maraming kolesterol sa dugo at mataas din ang panganib sa sakit sa puso. Mas mataas ang panganib sa mataas na kolesterol ng dugo kapag gumagawa ang katawan ng masyadong maraming kolesterol; kapag kumakain ng mga pagkain na may mataas na taba at kolesterol; kapag may diyabetis o mababang antas ng tiroydeo (thyroid) na tinatawag na hypothyroidism, o kaya’y sakit sa bato.
Ang bawat tao ay mayroong tatlong (3) pangunahing uri ng taba sa dugo. Kabilang dito ang tinatawag na High Density Lipoproteins (HDL) kung saan dinadala ng “mabuting” kolesterol na ito ang mga sobrang kolesterol sa dugo pabalik sa atay upang mailabas ito sa katawan.
Ang “masamang” kolesterol o ang Low Density Lipoproteins (LDL). Ang ganitong kolesterol sa dugo ay dumarami sa mga ugat o daluyan ng dugo. Maaari itong magdulot ng paninikip ng mga ugat, na nagpapahirap sa pagdaloy ng dugo. Ang pangatlong uri ay ang triglycerides. Maaaring pataasin ng pagkain ng masyadong maraming karboidrato (carbohydrates) ang antas ng triglyceride.
Ang malusog na antas ng katawan ng tao ay yung mas mababa sa 200 kolesterol. Kung ang kabuuang kolesterol ay mas mataas dito, susuriin ng doktor ang tatlong uri ng dugo sa taba. Ang antas ng mabuting kolesterol ay mas mainam, tulad ng antas na 60 at mas mataas. Kailangang kausapin ang doktor tungkol sa mga lunas kung ang inyong antas ay mas mababa sa 40. Ang antas ng masamang kolesterol naman ay sinasabing mas mabuti kapag mas mababa ang bilang.
Ang malusog na antas naman nito ay kapag mas mababa sa 100 kolesterol. Maaaring naisin ng inyong doktor na magkaroon kayo ng masamang kolesterol o bad cholesterol na mas mababa sa 70 kung kayo ay nagkaroon ng problema sa puso kamakailan lamang. Importanteng kausapin ang inyong doktor tungkol sa lunas naman kung ang inyong antas ay 130 at pataas. Ang antas ng triglyceride sa inyong dugo naman ay masasabing malusog kapag ito ay mas mababa sa 150.